By Christian Dee
MAYNILA – Nagbabala sa publiko ngayong Lunes, Marso 20, ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) laban sa mga scammers na nang-so-solicit ng pera at iba pa habang nagpapanggap bilang mga opisyal ng ahensya.
Ayon sa abiso ng CAAP sa pubiko, hindi kailanman nanghingi at hindi kailanman manghihingi ang lahat ng mga opisyal at tauhan nito ng pera o iba mang bagay mula sa pribadong tao o entity.
Ang abiso ay kasunod ng maraming ulat na natanggap ng pamunuan ng CAAP ukol sa mga gawaing paghihingi o solicitation ng mga “unscrupulous” na mga indibidwal na nagpapanggap na opisyal ng CAAP.
“This is in light of several recent reports received by the CAAP Management of such acts of solicitation by unscrupulous individuals purporting to be the CAAP Director General and other CAAP Officials, which this Authority does not tolerate,” anang CAAP sa abiso nito.
Payo ng ahensya sa publiko, maging mapagbantay at mangyaring iulat agad sa mga awtoridad ang anumang katulad na aktibidad. Ito ay upang maisampa ang mga kaukulang kaso laban sa mga ito.
Ipinagbigay-alam din ng CAAP na ang lahat ng komunikasyon mula sa kanilang tanggapan at tauhan ay gagawin lamang sa pamamagitan ng opisyal na channels nito.
