By Frances Pio
––
Nangako si Mayor-elect Rolando “Klarex” Uy na magpapataw ng mga tax relief para sa sektor ng negosyo na naapektuhan ng COVID-19 pandemic at ang pagtaas ng presyo ng gasolina.
Nangako rin si Uy ng pangkalahatang amnestiya sa lahat ng multa sa trapiko ng mga tsuper ng jeep at motorela na nagmula sa loob ng dalawang taong paghihigpit dahil sa COVID-19 sa lungsod.
“I have to ask our city council to pass ordinances to support these measures that are designed to help our businessmen and drivers,” sinabi ni Uy sa kanyang inaugural speech sa Amphitheater sa lungsod noong Linggo.
Nanalo si Uy, na incumbent 1st district representative, sa Cagayan de Oro mayoralty race sa pamamagitan ng 157,575 na boto laban sa kanyang pinakamalapit na karibal na si Pompee la Viña, na nakakuha lamang ng 128,071 na boto, ayon sa mga resultang pinagsama-sama ng ABS-CBN mula sa datos ng Commission on Elections (Comelec) para sa botohan noong Mayo 9, 2022.
Uupo siya sa puwesto sa Hulyo 1, kapalit ni incumbent Mayor Oscar Moreno na magtatapos sa kanyang siyam na taon ng administrasyon na nagpatayo ng mga ospital at paaralan. Nagbigay din si Moreno ng mahusay na pamumuno sa dalawang taong paglaban sa COVID-19.
Natalo si Moreno sa gubernatorial race sa Misamis Oriental noong nakaraang May 9 elections, na napanalunan ni Peter Unabia, incumbent vice mayor ng Gingoog City.
“What Moreno did to Cagayan de Oro is a tough act to follow,” sinabi ni Uy.