Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang clinical trials ng Lagundi bilang posibleng gamot kontra COVID-19
Sa kanyang lingguhang ulat noong Biyernes, sinabi ng Kalihim ng DoST na si Fortunato dela Pena na inaprubahan ng FDA ang aplikasyon ng proyekto upang maisagawa ang clinical trials ng Lagundi para sa COVID-19.
Samantala, ang grupong nangangasiwa sa proyekto ay nakipag-ugnayan sa mga piling mga quarantine centers ng komunidad kung saan isasagawa ang pag-aaral (Quezon Institute Quarantine Center, Sta. Ana Hospital, at PNP-NCR Community Quarantine Center).
Sinabi ni Dela Peña na ang University of the Philippines (UP)-Manila Research Ethics Board ay nagbigay ng clearance sa gagawing pagaaral. Tinitingnan ng DoST ang pagiging epektibo ng ilang mga herbal na gamot laban sa COVID-19 mula pa noong Abril.
