By Jude Sagun
MANILA, Philippines — Sinampahan ng patong-patong na kaso ng Viva Max star na si Debbie Garcia ang kapamilya actress na si Barbie Imperial, matapos magkagulo ang dalawa sa isang bar sa Quezon City noong Biyernes, October 28.
Una nang tumungo si Garcia sa Kamuning Police Station upang ireklamo ang insidenteng kinasangkutan, at ngayon ay pormal na itong nagsampa ng reklamo laban sa aktres.
Nahaharap ngayon si Imperial sa mga kasong grave oral defamation, grave slander by deed, at slight physical injury, batay sa mga kasong isinampa ng Viva Artist sa Department of Justice ng Quezon City.
Sa viral na video, makikita ang dalawa na nagkaroon ng komprontasyon na nauwi sa pananakit.
Ayon sa mga naunang ulat, inaway at sinaktan umano ni Imperial si Garcia matapos na magalit nang malamang nakikipag-date ang Viva Star sa ex-boyfriend nito na si Diego Loyzaga.
Wala pang kompirmasyon ang ulat na ito mula sa magkabilang panig.
Ayon sa inilabas na official statement ng Viva Artist Agency (VAA), suportado nila ang kanilang talent na si Garcia sa paghain ng mga kaso laban kay Imperial.
“VAA therefore supports its artist, Debbie Garcia, in taking legal action against her attacker in an incident of violence last October 28, 2022 (Friday) at a gastropub in Quezon City. Debbie is set to lodge a complaint against the other person with the assistance of her counsel on November 2, 2022 (Wednesday),” pahayag ng ahensya.
“VAA believes that Debbie has been at the receiving end of physical and verbal attacks in the said incident. VAA however kindly asks the public to refrain from further circulating copies of the video recording of the said incident on social media and allow the matter to be resolved legally,” dagdag pa nito.
Ayon rin sa inilabas na pahayag ni Garcia, lahat ng komento niya aniya tungkol sa isyu ay manggagaling sa kanyang legal council.
Samantala, wala pa ring komento si Imperial tungkol sa kinakasangkutang kontrobersya, huling post nito ay ang Halloween photo, suot ang “Bride of Chucky” costume, ang manikang partner ng killer doll na si Chucky.

(Photo from Barbie Imperial/Instagram)