By Christian Dee
MAYNILA – Ayon sa opisyal ng Department of Information and Communications Technology, tinatalakay na ang posibleng pag-extend sa deadline ng SIM registration na Abril 26.
Kaugnay ito ng mababang bilang ng mga nakapagparehistro na ng kanilang SIM Card kahit malapit na ang itinakdang deadline nito.
38.8 porsyento pa lamang ng mahigit 168 milyong SIM card ang kasalukuyang bilang ng mga rehistrado na, ayon sa DICT na base rin sa huling tala ng National Telecommunications Commission.
Sabi ni DICT Assistangt Secretary Jeffrey Ian Dy, wala pang polisya kung papalawigin ang deadline.
“Pinag-uusapan sa ngayon, and we are mindful of the April 26 deadline vis-à-vis the very low adoption, or registration statistics,” ani Dy.
Pinag-aaralan na rin anya ng telco at ng mga ahensya ng pamahalaan ang pagpapadali sa proseso ng SIM registration.
Hinikayat muli ng DICT ang publiko na magrehistro ng kanilang SIM card upang mapuksa ang text scams na talamak magpahanggang ngayon.
Paliwanag ni Dy, ang SIM card registration ay ang makakapagpigil sa mga cybercrime, partikular ang phishing at scam, dahil makatutulong ito upang matukoy ang phishers at scammers.
Hindi naman pabor si Dy sa pagpapalawig ng deadline dahil anya magiging “complacent na naman ‘yung mga tao.”
