By Christian Dee
MAYNILA – Martes, Abril 11, nang matagpuan ang labi ng 10-anyos na batang lalaking nalunod sa ilog Pasig.
Sa bahagi ng Barangay 900 sa Punta, Sta. Ana sa Maynila nalunod ang bata sa naturang ilog noong Lunes, Abril 10.
Ayon sa tiyahin ng bata, wala siyang alam na nagpunta pala sa Pasig River ang kanyang pamangkin na si Cyean Bedonio kasama ang mga kalaro nito dahil hindi ito nagpaalam. Napag-alaman ng mga kaanak na naglalaro ang mga ito sa tabing-ilog nang may nagbalita sa kanila.
Pinuntahan ng mga kaanak ang naturang lugar ngunit bungad ng mga kalaro nito sa kaanak ay nalunod na si Bedonio.
Lumulutang ang bangkay ng bata nang makita sa talagusan ng ilog ng mga residente. Pinagtulungan nilang maiahon mula sa ilog ang labi nito.
Bago matagpuan ang bangkay, nagsagawa na rin ang Philippine Coast Guard ng search and rescue operations para hanapin si Bedonio.
May ilang insidente na rin ng pagkalunod sa lugar ayon sa opisyal ng barangay na si Kagawad Solomon San Pablo Jr.
Payo naman ng barangay sa mga residente, huwag nang maligo sa ilog.
