By Francis Pio
Masigasig ang pagtugon ng gobyerno sa mababang output ng pagbabakuna kada-araw sa buong bansa, partikular sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa prerecorded Talk to the People ni President Rodrigo Duterte na ipinalabas noong Martes ng gabi, binanggit ng National Task Force (NTF) against Covid-19 implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na ang BARMM ang may pinakamababang vaccination output sa 17 rehiyon sa bansa, na may 25 porsyento lamang ng target na populasyon nito ang ganap na nabakunahan.
Sinabi ni Galvez na kapwa itinaas ang alarma ng World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH) sa posibleng surge ng mga kaso ng Covid-19 sa BARMM sa gitna ng pagsisimula ng isang buwang obserbasyon ng Ramadhan.
”Sabi kasi po ng iba na hindi po halal ‘yung ibang mga vaccine na ginagamit po natin. Iyon po ang ano po nila paniniwala po nila,” ika ni Galvez.
Ang geographical location ay nakakaapekto rin sa phase ng pagbabakuna sa BARMM, dagdag pa niya.
Halimbawa, aabutin ng anim hanggang pitong oras ang biyahe sa tuwing pupunta ang vaccination team sa mga liblib na lugar ng Tawi-Tawi at Basilan para sa inoculation ng mga residente sa mga concerned areas.
Sinabi ni Galvez na itinutulak ng gobyerno ang isang estratehiya upang mabigyang diin at sapat na atensyon ang pagbabakuna sa mga residente sa rehiyon.
