Share:

Nais ni Sen. Grace Poe na ipaliwanag ng Department of Transportation (DOTr) ang pinaggamitan ng mahigit P9.5-billion Bayanihan 2 funds na nakalaan para sa mga tsuper na lubhang naapektuhan ng pandemya matapos ding makita na malaking porsyento ng badyet ang hindi ginamit ng departamento.

“Dahil sa lockdown, nawalan ng trabaho ang ating mga driver. Maraming healthcare workers ang hindi makapunta sa trabaho dahil walang transportasyon. Tapos nandiyan na ‘yung pera, bakit hindi natin binibigyan ng trabaho ang mga driver at swelduhan sila?,” ani Poe.

“Hindi ba tayo naaawa sa mga driver na namamalimos? Iyong umaasa sa bigay o nakapila sa mga community pantry para may makain ang pamilya nila? May pera naman pala, bakit hindi gamitin para makaahon man lang sila?” dagdag pa niya.

Sinabi ng Department of Budgent and Management (DBM) sa Senado noong nakaraan Huwebes na naibigay na sa DOTr ang kabuuan ng P9.5-billion fund mula sa Bayanihan 2 law.

P5.58-billion ang nakalaan para makapagbigay ng pansamantalang pangkabuhay para sa mga hindi makabyaheng tsuper at operator sa pamamagitan ng service contracting; P2.604-billion naman para sa mga negosyo sa transport industry na lubhang naapektuhan ng pandemya; at P1.316-billion ang nakalaan para sa paggawa ng sidewalks at protected bicycle lanes, pagbili ng mga bisikleta at safety equipment.

Ayon kay Poe, nais niya ring hingan ng eksplenasyon ang DOTr dahil napagalamang sa P1.5-billion na badyet para sa mga tsuper, P653-million lang ang naipaabot sa mga apektadong tsuper.

“Displaced from their source of income because of the lockdowns, our drivers and other transport workers run the risk of becoming victims twice as government agencies appear incapable of using the billions of assistance funds to help them,” sinabi ng senadora.

“Imbes na gastusin ang pondo para makabalik na sa kalsada ang ating mga driver, pinapatulog lang ang pera at walang serbisyong naibibigay sa panahon ng kagipitan,” ayon pa kay Poe. 

Leave a Reply