By: Frances Pio
––
Bumisita si dating Philippine National Police (PNP) Chief at Senatorial candidate Guillermo Lorenzo Eleazar sa Leyte nitong Biyernes, Abril 1, bilang bahagi ng kanyang pangangampanya sa mga lalawigan upang ilatag ang kanyang plataporma para sa gobyerno sa mga lokal na opisyal at residente.
Isa sa agenda na iniharap ni Eleazar sa mga Leyteño ay ang kanyang planong pagandahin ang disaster management at response ng bansa. Ang Tacloban City at iba pang bahagi ng Leyte ang pinakamalala na tinamaan ng supertyphoon Yolanda noong 2013.
“Right after the Yolanda devastation, naging bulag tayong lahat sa kung ano ang extent ng damage to properties and human lives sa Tacloban at ilang lugar sa Eastern Visayas dahil walang maayos na communication line,” sinabi ni Eleazar.
Isa sa mga prayoridad ni Eleazar sa Senado ay ang pagkakaroon ng maaasahang linya ng komunikasyon sa panahon ng sakuna at kalamidad. Nilalayon niyang magbigay ng mga satellite phone sa bawat komunidad na magagamit nila kapag ang mga pangunahing linya ng komunikasyon ay nasira ng mga kalamidad.
Samantala, isinusulong din ng kandidato ng Partido Reporma na isama ang disaster response at mga hakbang sa kahandaan sa curriculum ng mga batang mag-aaral.
