By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes, Nobyembre 4, na may 3,900 na ang bilang ng COVID-19 cases ang naitala sa mga paaralan sa bansa kasunod ng balik-eskuwela.
Ani DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang naturang bilang na naitala ay simula Setyembre 1 hanggang Nobyembre 3.
“From September 1 to November 3, meron tayong around 3,900 na mga kaso na nangyari across the different schools dito po sa Pilipinas,” aniya sa isang press briefing.
Nabanggit din ni Vergeire na wala namang naitalang namatay na estudyante sa COVID-19 dahilan ng pagbabalik ng mga mag-aaral sa paaralan.
Wala naman din aniyang nagkaroon ng severe cases ng COVID-19. Bagaman, hindi rin naipabatid kung gaano karami ang mga estudyante o tauhan sa paaralan ang naapektuhan ng nakahahawang sakit.
Kinlaro naman ng OIC na ang mga nabanggit ay nanggaling sa surveillance report ng ahensya.
Hindi pa aniya naisusumite ng Department of Education ang kanilang sariling ulat ukol sa impeksyon sa loob ng mga paaralan.
Matatandaan namang inanunsyo na rin ng pamahalaan na pinapayagan na ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa loob ng mga silid-aralan.
