Para kay newspaper columnist Ramon Tulfo, ang pamamahala ng gobyerno ngayon ay parang “headless chicken” o ”running without direction.”
“Hindi maganda ‘yung pamamalakad ngayon,” sinabi ni Tulfo sa panayam sa News5.
“Parang ‘yung gobyerno, parang manok na naputulan ng ulo. Takbo lang nang takbo, walang direksyon,” dagdag niya.
Si Tulfo, kilalang kaibigan at kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay idinagdag na ire-rate niya ang tugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic bilang “4 out of 10”
Ininahayag din niya ang pag-aalala sa kalusugan ni Duterte, matapos mawala ang Pangulo nang eksaktong dalawang linggo bago muling lumitaw sa isang pre-recorded briefing noong Lunes.
Sinabi ni Tulfo na mahalagang malaman ng mga tao kung nasaan ang kanilang pinuno, lalo na sa panahon ng krisis.
“Para din sa kaniya yan, para magtiwala din ‘yung tao sa kaniya,” ani ni Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na inaasahan niyang hindi gagayahin ni Duterte si dating Pangulong Ferdinand Marcos, na itinago sa mga Pilipino ang kanyang malubhang karamdaman.
Ayon sa kamakailang survey na inilabas ng Social Weather Stations noong Lunes, 65 porsyento o halos dalawa sa tatlong mga Pilipino ang naniniwala na ang estado ng kalusugan ng Pangulo ay mahalaga sa publiko.