By Christian Dee
MAYNILA – Isang estudyante ang namatay sa San Jose del Monte sa Bulacan matapos paglaruan umano nito ang baril ng kanyang amang pulis noong Huwebes, Enero 26.
Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes na iimbestigahan nito ang pagkamatay ng 12-taong gulang na biktima, kaugnay ang pagdadala nito ng baril na ginagamit ng kanyang ama sa serbisyo.
Naiulat na kinuha ng Grade 6 student sa cabinet sa kanilang tahanan ang isang Beretta 9mm pistol na inisyu ng PNP.
Base sa ulat, pinaglaruan ng biktima ang baril sa loob ng isang comfort room ng paaralan nang aksidenteng pumutok ang baril at natamaan sa ulo ang estudyante.
Matapos marinig ang pagputok ng baril at matagpuan ang estudyante, agad dinala ng mga guro ang biktima sa Kairos Hospital.
Ayon sa mga awtoridad, inilipat din ang biktima sa Skyline Hospital para sa iba pang medical intervention.
Sinabi naman ni PNP Public Information Office (PIO) chief Col. Redrico Maranan, bibigyan muna ng oras ang pamilya ng nasawi para sa pagdadalmhati bago nito imbestigahan ang nangyaring aksidente at kung paano ito nagkaroon ng access sa baril.
Sa isang panayam, ipinaalala ni Maranan sa mga awtoridad na ilagay sa ligtas na lalagyan ang baril kung hindi ito dala-dala.
“Pag ang atin pong service firearms ay hindi natin dala-dala, dapat po ‘yan ay nakalagay sa isang lalagyan na secured, may lock at hindi po maa-access ng sinumang tao na walang karapatan na humawak at gumamit niyan,” aniya.
Nakatalaga ang ama ng biktima – na may ranggong executive master sergeante – sa Headquarters sa Camp Crame sa Quezon City.
Wala naman, ayon sa mga lokal na awtoridad, ang ama nang mangyari ang insidente.