By Christian Dee

MAYNILA – Sumabog ang isang palabahan sa Malate sa Maynila noong Lunes ng gabi, Enero 30, dahil sa umanong sumingaw na tangke ng liquefied petroleum gas.

Umabot naman sa labing-anim (16) ang bilang ng mga nasugatan dulot ng insidente sa kahabaan ng Fidel Reyes Street sa naturang lugar.

Karamihan sa mga biktima ng pagsabog ay estudyante, na dinala sa ospital.

Isa sa mga nasugatan si Kurt Bucad, 1st year college student, na nakapanayam ng ABS-CBN News.

Kuwento ni Bucad, kumakain sila ng hapunan sa katabing kainan nang may narinig silang pagsingaw na umabot aniya ng isa o dalawang minuto bago mangyari ang pagsabog.

Nagtamo ng galos ang naturang estudyante sa braso at kamay, habang ang kanyang mga kasamang kumain naman aniya ay “may tama sa mukha ng sharp objects.”

Ayon sa pulisya ng Malate, nagkaroon din ng sunog sa pinangyarihan ng insidente bandang alas-7:30 ng gabi at naapula rin matapos ang apat na minuto.

Base sa inisyal na imbestigasyon, gas leak ang dahilan ng pagsabog ng laudry shop.

“Nagkaroon ng gas leak doon sa isang laundry shop… sa Taft Avenue. At nag-result ito sa positive explosion kung saan marami ang mga nasa paligid na na-injure,” sabi sa panayam ng GMA News ni Police Brig. Gen. Andre Dizon, director ng Manila Police District.

Nangako naman ang may-ari ng laundry shop na sasagutin nito ang mga bayarin sa pagpapagamot ng mga biktima.

Iniimbestigahan pa rin ng Bureau of Fire Protection ang nangyaring pagsabog.

Leave a Reply