Pormal nang inilunsad ni presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang kanyang official campaign website para sa Halalan 2022 noong Huwebes, Nobyembre 25.
Ang campaign website na tatawaging “tayosiisko.com” ay isinapubliko ni Moreno sa isang meet and greet session kasama ang kanyang running mate na si Dr. Willie Ong at kanilang mga taga suporta.
Ayon kay Moreno, ang “tayosiisko.com” ay isang online platform kung saan makikita ng publiko ang mga impormasyon tungkol sa kanya at sa kanyang pagtakbo bilang presidente ng bansa.
Bago matapos ang pagtitipon, pinasalamatan ni Moreno ang kanyang libo-libong taga suporta na dumalo at ang pakikibahagi ng kanyang running mate na si Dr. Willie Ong at ang mga senatoriables ng kanyang partidong Aksyon Demokratiko.
“Maraming salamat lagi sa inyong paghahanda, mga ginagawa simultaneously sa buong Pilipinas. Tuloy-tuloy lang tayo. Lagi tayong diretso sa tao,” ani Moreno.
“Alam ko, most of you, kayo ang gumagastos. Pera ninyo, pinag-ipunan ninyo, pinaghirapan ninyo, ginagastos niyo sa amin. Oras ninyo, ginagastos ninyo sa amin. Effort ninyo… Someday, the only thing that I can do in return ay di ko kayo ipapahiya,” dagdag pa niya.
(By: Aj Lanzaderas Avila)
