By Frances Pio
––
Ang dating Prime Minister na si Shinzo Abe, ang pinakamatagal na pinuno ng Japan, ay namatay nitong Biyernes matapos barilin habang nagbibigay ng campaign speech para sa isang partido, sinabi ng NHK.
Pinaputukan ng isang lalaki si Abe, 67, mula sa likuran gamit ang isang tila homemade na baril habang nagsasalita ito sa isang isla sa kanlurang Lungsod ng Nara, ipinakita ng Japanese media kanina.
Ito ang kauna-unahang pagpaslang sa isang nakaupo o dating primier ng Japan mula noong pre-war militarism noong 1930s.
Sa pagsasalita bago inihayag ang pagkamatay ni Abe, kinondena ni Prime Minister Fumio Kishida ang pamamaril gamit ang mga “strongest terms” habang ang mga japanese at world leaders ay nagpahayag ng pagkagulat sa karahasan sa isang bansa kung saan bihira ang karahasan sa pulitika at mahigpit na kontrolado ang mga baril.
“This attack is an act of brutality that happened during the elections – the very foundation of our democracy – and is absolutely unforgivable,” sinabi ni Kishida.
Sinabi ng isang fire department official na si Abe ay tila nasa state of cardiac arrest nang ihatid sa ospital.
Sinabi ng pulisya na naaresto ang isang 41-anyos na lalaki na pinaghihinalaang may kagagawan ng pamamaril. Binanggit ng NHK ang pahayag ng suspek, na kinilalang si Tetsuya Yamagami, na nagsabi sa pulisya na hindi siya nasisiyahan kay Abe at gusto niyang patayin ito.
Habang nagsasalita si Abe sa labas ng isang train station, umalingawngaw ang dalawang putok bandang 11:30 a.m. Pagkatapos ay nakita ang mga security officers na hinawakan ang isang lalaking naka-grey na T-shirt at beige na pantalon.