By: Margaret Padilla

Ang aktor na si John Lloyd Cruz at direktor na si Lav Diaz ay parehong nominado para sa mga pangunahing kategorya sa 15th Asia Pacific Screen Awards (APSA) para sa kanilang pelikula na “When The Waves Are Gone” o “Kapag Wala Na Ang Mga Alon.”

Ang pelikula ay hinirang para sa Best Film. Si Diaz ay nominado para sa Best Director, at si Cruz ay nominado para sa Best Performance.

Ang mga nominasyon ng APSA para sa “When The Waves Are Gone” ay dumating pagkatapos ng Out Of Competition screening nito sa Venice Film Festival noong Setyembre.

Ang “When The Waves Are Gone,” ay tungkol sa kwento ni Lt. Hermes Papauran, isa sa pinakamahuhusay na imbestigador ng bansa, na dumating sa isang “moral crossroads” pagkatapos maapektuhan ng karahasan ng mga extra-judicial killings at ang mga resulta ng paglabag sa karapatang pantao. Nagkaroon siya ng matinding psoriasis, isang kondisyon ng balat na dulot ng malalang anxiety.

Ayon sa CineEuropa, isang European website na nakatuon sa malalim na pagsisiyasat sa mga pelikula at audiovisual, ang “When The Waves Are Gone” ay isang graphic novel adaptation ng The Count of Monte Cristo ni Alexandre Dumas na nagsasabi ng isang malungkot na kwento ng pambansang pagbagsak sa panahon ng tiwaling pamumuno sa isang bansa. 

Ayon pa sa website, “alinsunod sa ambiance at impluwensya nito sa unang bahagi ng ikalabing siyam na siglo, unti-unti itong nabuo sa isang kapanapanabik na pagkakasunod-sunod ng engkwentro na nakakapag paalala sa konklusyon ng mga pistola ni Barry Lyndon sa madaling araw.”

Samantala, inilarawan naman ng The Wrap, isang American digital entertainment at media news portal, ang pelikula bilang “surprisingly approachable and engrossing.” 

Sa isang artikulo, sinabi nito na si Diaz ay higit na sabik na mag-imbestiga para sa mga pahiwatig tungkol sa kanyang mga karakter at isang “master pagdating sa pagbubuo ng kanyang mga frame, na marami sa mga ito ay ginawang parang ang mga karakter ay nakulong sa loob ng isang mahabang pasilyo na umaabot sa malayo sa isang diagonal, kahit na sa mga panlabas na kuha.”

Kinikilala ng award-giving body ng Asia Pacific Screen Academy “ang cinematic excellence ng 78 bansa at mga lugar mula sa rehiyon na gumagawa ng kalahati ng pelikula sa mundo, na pinarangalan ang cinematic storytelling na pinakamahusay na nagpapakita ng kultural na pinagmulan nito at ang pagkakaiba-iba ng Asia Pacific.”

Ang mga mananalo ay malalaman sa isang awarding ceremony sa Nobyembre 11 sa Gold Coast, Australia, ayon sa ABS-CBN News.

Leave a Reply