By Christian Dee
MAYNILA – Inilabas na ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa City ang mga dapat sundin ng mga bibisita sa mga sementeryo para sa Undas ngayong taon.
Matatandaang ipinagbawal ang pagbisita sa mga sementeryo, memorial parks at kolumbaryo sa lungsod buhay ng sitawsyon nito sa COVID-19. Ngayon naman ay niluwagan na nito ang mga health protocols.
Ayon sa inilabas nilang panuntunan, maari lamang maglinis, paint at mag-renovate ng mga puntod or nitso hanggang Biyernes, Oktubre 28.
Bukas naman ang lahat ng pampribado at pampublikong sementeryo mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1, 6 a.m. to 6 p.m. Maari lamang manatli ang mga bibisita ng hanggang tatlong oras kada puntod.
Wala rin libing at cremation na papayagan sa bisperas ng Undas hanggang Nobyembre 1.
Ipinaliwanag din ng lokal na pamahalaan na hindi ligtas na isama ang mga nasa edad na 12 pababa at 60 pataas.
Hindi rin papayagan ang overnight stay at pagbebenta sa loob ng sementeryo ayon sa panuntunan.
Samantala, ipinaalala rin sa publiko na sundin pa rin ang minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, physical distancing at pagsa-sanitize.
Inilista na rin ng lokal na pamahalaan ang mga ipinagbabawal na dalhin sa loob ng mga sementeryo gaya ng alak, mga armas at mga matutulis na bagay, videoke o mga sound system na malalakas ang tunog.
(Photo Courtesy of Muntinlupa PIO)
