By Christian Dee
MAYNILA – Nakabalik na sa Egypt ang Miss Eco International 2022 na si Kathleen Paton para koronahan ang susunod na mananalo sa naturang pageant.
Sa kanyang Instagram post kahapon, sinabi ni Paton na nakarating na siya sa Egypt at siya ay magbibigay pugay sa kanyang bansa, ang Pilipinas.
“Hello, Egypt. I have arrived and today I am paying homage to my home, the Philippines, Modern Filipiniana,” anang beauty queen.
“I may not be here as a Miss Philippines but you’re always with me [Philippines],” dagdag pa ni Paton sa kanyang caption.
Kasama sa ipinaskil ng reigning Miss Eco International ang kanyang larawan kung saan suot niya ang isang “Modern Filipiniana” na gawa ni Arsen Flores.
Nanalo noong 2022 sa naturang pageant si Paton nang irepresenta niya ang Pilipinas sa Miss Eco International.
Sumunod si Paton sa unang pagkapanalo ng bansa noong 2018 na nakamit ni Cynthia Thomalla, Miss Eco International 2018.
Kasalukuyan namang nasa Egypt na rin ang pambato ng Pilipinas sa Miss Eco International para sa taong ito na si Ashley Montenegro.
