Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Babalik na sa face-to-face ang klase ng mga estudyante sa mga paaralan sa Metro Manila sa Huwebes, Marso 9, matapos mag-anunsyo ng ilang lokal na pamahalaan.

Ito ay kasunod ng pagtatapos ng malawakang tigil-pasada ng mga dyip na nagsimula noong Lunes.

Ilan sa mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region na nag-anunsyo ng pagbabalik sa face-to-face ng mga klase sa mga paaralan ay ang Las Piñas City, Malabon City, at Pasig City.

“As jeepneys and UV Express vehicles resume operations, face-to-face classes will also resume beginning Thursday, March 9,” saad ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa kanilang Facebook post.

“Magbabalik na ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pampribadong paaralan sa lungsod simula sa Huwebes, Marso 9, 2023, alinsunod sa rekomendasyon ng Schools Division Office (SDO) Malabon,” saad ng Malabon City Government.

“Face-to-face classes (all levels) in both public and private schools located in Pasig City will resume tomorrow, March 9, 2023,” anunsyo ng Pasig City Public Information Office (PIO).

Ang dalawampu’t apat na pampublikong paaralan din sa Mandaluyong City ay balik na rin sa face-to-face classes base sa anunsyo nito.

“The 24 public schools will resume the in-person classes starting tomorrow per Division Memorandum issued today by the Schools Division Office-Mandaluyong,” ayon sa Mandaluyong PIO.

Samantala, sa Maynila naman ay ipagpapatuloy ang asynchronous classes hanggang Sabado, Marso 11, ayon sa Manila PIO, at tuloy pa rin ang Libreng Sakay para sa mga pasahero.

Ang ikinasang tigil-pasada ng mga tsuper at mga operator ng mga pampublikong sasakyan, na inasahang magaganap sa loob ng isang linggo, ay isinagawa upang tutulan ang pag-phaseout sa mga tradisyunal na dyip.

Naputol nitong Miyerkoles ang jeepney strike nang sumang-ayon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pag-aralan pa ang rebisyon ng Public Utility Vehicle modernization program.

Leave a Reply