Pormal nang ipinakilala ng ABS-CBN si Lovi Poe bilang pinakabagong talent ng istasyon sa pamamagitan ng virtual media conference na ginanap kasabay ng announcement sa unang teleseryeng pagbibidahan ng aktres kasama si Piolo Pascual na pinamagatang “Flower of Evil.”
Ayon kay Lovi Poe, alam niyang masaya ang kanyang yumaong ama na si ‘Da King’ Fernando Poe Jr. sa kanyang desisyong lumipat sa ABS-CBN.
Excited na ang aktres sa mga nakalinyang proyekto para sa kanya sa ABS-CBN na sinimulan niya sa isang special number sa “ASAP Natin To,” noong Linggo.
“Wala akong nararamdaman kundi pasasalamat kasi I’ve been a huge fan of the body of work of ABS-CBN and I’m happy they gave me this opportunity, the trust they gave me, di ko in-expect. I’m just grateful,” ani Lovi.
Inalala rin ng aktres ang mga alaala ng amang si FPJ sa Kapamilya Network, “It makes me feel close to my father as well, this was my dad’s home and I’ve always longed for that love and the fact that I’m here makes me feel a lot closer to him.”
Naging emosyonal din si Lovi matapos marinig ang makabagbag damdaming mensahe ng kanyang kapatid na si Senadora Grace Poe bago ang kanyang debut performance sa ASAP.
“Congratulations dear Lovi. I am sure Papa is very proud of you,” ani Grace Poe.
“My special wish is that you actually make an action film dahil kaya mo kasi disiplinado ka, very fit at alam ko magaling ka rin sumuntok,” hirit pa ng Senadora.
Tinapos ni Sen. Grace Poe ang kanyang mensahe para sa kapatid at sinabi kung gaano niya kamahal ang aktres, “In my heart, you’re always pamilya. Continue to make us proud. I love you.”
