Share:

By Frances Pio

––

Umani ng reaksyon ang ranking ng isang international food database sa “best street foods” sa mundo mula sa mga Pilipino pagkatapos nitong ilagay ang Lumpiang Shanghai o ang Pinoy spring roll sa listahan nito.

Ibinahagi ng TasteAtlas nitong Miyerkules ang isang infographic na listahan ng “50 best street food” ayon sa mga rating ng audience nito.

Pangalawa ang Lumpiang Shanghai, kasunod ng tradisyonal na pan-fried flatbread ng Malaysia, ang roti canai.

Mas mataas ang ranggo ng pagkaing Pinoy kaysa karaage ng Japan o Japanese fried chicken, bánh mì ng Vietnam o ang maikling baguette nito at shawarma ng Lebanon o binalot na inihaw na karne.

Pinagmalaki ng ilang mga Pilipino ang ranking, ngunit ang iba ay nagtaka tungkol sa kung paano ang Pinoy spring roll ay itinuturing na pagkaing kalye.

“Food Lumpiang Shanghai here in the Philippines is prepared on special occasions,” Komento ng isang netizen.

“Best in online voting talaga mga Pinoy, hahaha. Sa tanang buhay ko, ‘di ko pa nakitang binebenta sa kalye ang Lumpiang shanghai. Mas turon at lumpiang togue pa ang meron,” dagdag pa ng isang Twitter user.

Inakala ng iba na ang Lumpiang Shanghai ay maituturing na “street food” dahil maaaring ibenta ito sa mga carinderia o mga kainan sa tabi ng kalsada sa bansa.

Ang Lumpiang Shanghai ay ang pinakasikat na uri ng lumpia, isang malutong at piniritong pagkain na nagmula sa Chinese spring roll.

Ito ay nailalarawan sa pamamagitan ng isang masarap na palaman na pinagsasama ang giniling na baboy o karne ng baka sa mga karot, sibuyas, iba’t ibang pampalasa, at, paminsan-minsan, mga hipon.

Leave a Reply