Share:

By: Margaret Padilla

Kamakailan ay naging viral sa social media ang bulubundukin ng Sierra Madre matapos ang paghagupit ng super bagyong Karding sa bansa ngunit napigilan ito ng bulubundukin nito. Nanawagan ang mga netizen at iba pang indibidwal upang mapangalagaan ang nasabing bulubundukin mula sa pagsasamantala ng tao.

Kung mapapansin, ang bulubundukin ay sumasaklaw sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, Bulacan, Rizal, Laguna, at Quezon sa layong 500 kilometro.

Ayon kay weather specialist na si Vanessa Torres, ang Sierra Madre ay isa sa mga dahilan ng paghina ni Karding dahil ang bulubundukin ay may “rugged terrain,” at dahil dito, unti-unting nawalan ng lakas si Karding.

Una, inulit muli ni Rizal Fourth District Representative Fidel Nograles ang kanyang panawagan na itatag ang Sierra Madre Development Authority (SMDA) upang protektahan at pangalagaan ang bulubundukin.

Nauna nang inakda at inihain ng mambabatas ang House Bill No. 1972, na inihain noong Hulyo 14. Nanawagan siya sa paglikha ng isang ahensya na magpoprotekta sa Sierra Madre sa gitna ng pananalasa ng malalakas na bagyo sa bansa.

“Maraming nagsasabi na ‘we got lucky’ at naiwasan natin ang mas matinding sakuna na dala ng Karding. Pero hindi natin dapat inaasa ang kapakanan natin sa swerte. We must act, and we must act now,” aniya.

Tulad ng naiulat ng CNN Philippines, nanawagan ang mambabatas para sa mas “agresibo, estratehiko, at komprehensibong” mga hakbang upang matugunan ang krisis sa klima at iminungkahi na ang paglikha ng SMDA ay makakatulong sa pag-uugnay sa mga hakbang na ito.

Ikalawa, ipinaliwanag ni Araceli Mercado, chair ng Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA), na humupa ang mga bagyo habang dumadaan sa nasabing ruta; samakatuwid, ang bulubundukin ay nagsisilbing isang “natural barrier.”

Ipinahayag ni Mercado na habang madalas na dumaranas ng mga bagyo ang bansa, “ang tungkulin ng Sierra Madre ay napakahalaga dahil may panangga ang 10 lalawigan—mula Cagayan hanggang Quezon.”

Sinabi niya na sa ngayon, “nasa yugto na tayo ng isang emergency o krisis sa klima.”

Lumalakas ang mga paparating na bagyo, at ang epekto ng maaring pagkawala ng Sierra Madre ay maaaring nakapipinsala dahil maaari itong seryosong makapaminsala sa agrikultura, at imprastraktura, at magresulta sa malaking bilang ng mga nasawi.

“(The) Sierra Madre is being threatened by activities like mining, logging (illegal and legal), land conversion, and the construction of roads and dams,” Sinabi ni Mercado nang tanungin tungkol sa kasalukuyang mga bantang kinakaharap ng bulubundukin.

Ang bulubundukin ay tiyak na “aming backbone,” ayon naman kay Elizabeth Carranza, TST, isang miyembro ng kalihiman ng Laudato Si’ Movement Pilipinas, dahil ito ay “takes the hits and protects us from the blows of typhoons.”

Nilinaw ni Caranza na ang laban ay hindi lamang para sa gobyerno kundi para sa lahat ng mamamayan: dapat nating ipagtanggol ang Sierra Madre, na kasalukuyang nanganganib. “Kailangan ng Sierra Madre na alagaan natin siya.”

Samantala, ang pagsisiyasat ng kongreso sa pananalasa sa bulubundukin ng Sierra Madre at pagsisikap na pangalagaan ito ay inihain ni Cavite Representative Elpidio Barzaga Jr., ang chairman ng House Committee on Natural Resources.

Ipinahayag ng mambabatas na ang pag-aaral ng Sierra Madre Mountains at “kung paano natin dapat pangalagaan ang ating bulubundukin upang maiwasan ang pagbaha sa maraming rehiyon sa Pilipinas” ay kinakailangan para suportahan ang batas.

Sinabi ni Barzaga Jr. na napakahalagang matukoy kung ang mga aktibidad ng tao na naglalagay sa panganib ng ecosystem nito ay nangyayari sa Kabundukan ng Sierra Madre.

Ayon sa Philippine Daily Inquirer, ang bulubundukin ng Sierra Madre ay nagsisilbing tahanan ng magkakaibang ecosystem, kabilang ang mga pambansang parke, watershed forest reserves, natural monuments, marine reserves, landscapes, at seascapes.

Gayunman, iginiit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang mga likas na yaman ng bansa dito ay inaabuso pa rin ng illegal logging, slash-and-burn farming, fuel wood gathering, illegal hunting, at paglaki ng human settlements.

Leave a Reply