By Christian Dee

MAYNILA – Narekober ng mga awtoridad sa magkahiwalay na dalawang buy-bust operations sa probinsya ng Pampanga ang shabu na may kabuuang timbang na 111 kilo.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency nitong Miyerkoles, nasa P754.8 milyon ang halaga ng mga nasabat na ipinagbabawal na gamot sa dalawang lugar sa Angeles City.

Base sa ulat ng PDEA, ang isang operasyon sa lugar, partikular sa isang townhouse sa Barangay Pampang, ay naganap noong Pebrero 19.

Nahuli dito ang hinihinalang shabu na may timbang na 81kg at nasa P550.8 milyon ang halaga, ayon sa ahensya.

Inaresto ng mga awtoridad ang suspek na Chinese na si Willy Tan Zhang at si Reziel Barelos, ngunit nag-collapse si Zhang habang siya ay hinuhuli.

Idineklara namang dead on arrival si Zhang nang dalhin ito sa ospital.

Sa isa pang operasyon sa kaparehong barangay, partikular sa Poinsetta Avenue, nahuli ang dalawang suspek sa droga at ang 30kg ng shabu.

Umabot sa P204 milyon ang halaga ng nasabat na shabu mula sa mga suspek na sina Yi Xin Li at Mark June Barsaga, pati na rin ang ilang mobile phones, isang sasakyan, identification cards, buy-bust money.

Haharap naman sa kasong paglabag sa Article II, Sections 5 and 11 of Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na inaresto.

Leave a Reply