By Christian Dee
MAYNILA – Ayon kay Mayor Raffy Biazon, alkalde ng Muntinlupa City, titiyakin nitong may mananagot sa sinapit ng isang pampublikong paaralan sa nasabing lungsod.
Sira-sirang pisara at nagkalat na mga basura ang nakita sa naturang paaralan matapos gamitin ito bilang evacuation center para sa mga lumikas dulot ng bagyong Paeng.
Sa Facebook post ng alkalde ng nasabing lungsod na si Mayor Raffy Biazon, sinabi nito na hindi niya alam ang nangingibabaw sa nararamdaman niya kung galit ba o lungkot.
“Sinasabi na ang mayor ay ang Ama ng Bayan. Kasi ako bilang ama ng aming tahanan, pag may ginawang kasalanan ang anak ko, napapagalitan ko sila dahil isa sa mga tungkulin ko ang disiplinahin ang aking mga anak,” pahayag ni Biazon.
Giit ng alkalde na bilang “Ama ng Bayan,” kapag mayroong gumawa ng mali sa mga tinuturing na anak ng lungsod ay nalulungkot siya at nais niyang ipagtanggol ang mga ito.
Ibinahagi rin niyang pumayag ang Department of Education (DepEd) Division Office at ang mga tauhan sa paaralan na gamitin ito bilang evacuation center ngunit gulat ni Biazon nang makita niya ang sinapit ng mga pasilidad.
“Ito na ba ang karakter ng mga tao ngayon?” aniya.
Sa huli, sinabi rin ng alkalde na galit siya sa mga gumawa ng paninira ng pasilidad.