Matinding pinsala ang naranasan ng Metro Manila dahil sa malakas na buhos ng ulan mula sa Habagat at Super Typhoon Carina.
Ngayong Miyerkules, idineklara nang nasa state of calamity ang Metro Manila matapos bahain ang maraming lugar. Sa ilang kabahayan, umabot ang tubig hanggang ikalawang palapag.
Nagbukas ang ilang mall ng kanilang parking area nang libre para sa mga residente. Nagbigay din sila ng WiFi at phone charging stations.
Narito ang ilang ulat ng GMA Integrated News tungkol sa sitwasyon ng mga binahang lugar sa Metro Manila.
Sa Quezon City, isang sasakyan ang nalubog sa Mother Ignacia na papunta sa EDSA, isang lugar na madalas binabaha tuwing malakas ang ulan.
Hindi na rin madaanan ng mga sasakyan ang North bound ramp ng Skyway sa Araneta Avenue dahil sa lalim ng baha.
Sa Maricaban, Pasay City, baha pa rin sa Bayanihan St. at pumasok na ito sa mga bahay. Wala ring kuryente sa lugar.
Samantala, lampas-tao na ang tubig sa ilang bahagi ng Barangay 598 sa Maynila. May mga residente pa rin na nananatili sa ikalawang palapag ng kanilang mga bahay.
Nalubog din sa baha ang ilang kabahayan sa Barangay Sto. Niño sa Marikina City. Umabot na sa ikatlong alarma ang Marikina River kaya’t sapilitang pinalilikas na ang mga tao. Sa ilang bahay, bubong na lamang ang makikita.
Malakas na ulan at hangin din ang nararanasan sa Mel Lopez Blvd., Navotas City, na nagdulot ng pagbaha sa mga lansangan.
