By Christian Dee

MAYNILA – Nakatakdang ipamahagi sa mga magsasaka ng Pampanga ang 310 ektaryang lupaing pag-aari ng pamahalaan, ayon sa Department of Agrarian Reform nitong Miyerkoles, Marso 8.

Sabi ng ahensya, ang naturang lupaing ipamamahagi nito ay ang hindi nagagamit na lupaing pag-aari ng Pampanga State Agricultural University (PSAU) sa Magalang.

Nakapulong nito, anang DAR, ang mga magsasaka sa bayan ng San Agustin upang talakayin ang mabilis na pamamahagi ng government-owned lands (GOL).

Ang pagpupulong ay para rin tukuyin ang mga posibleng benepisyaryo o agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Pampanga.

Ayon sa DAR, ang pamamahagi ng GOL ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pamamagitan ng Kalihim ng naturang ahensya na si Secretary Conrado Estrella III, na mabigyan ang mga magsasaka ng lupaing mapakikinabangan para sa pagpapaunlad ng kanilang mga pamumuhay.

Inanunsyo rin ni DAR Central Luzon Regional Director Arsenio James Ponce na uumpisahan na ng ahensya ang pag-sarbey sa mga ari-arian ng naturang unibersidad para makapagbigay na agad ng indibidwal na titulo ng lupa sa mga benepisyaryo.

“Hinihingi natin ang buong kooperasyon ng mga ARB, at kanilang mga opinyon upang mabilis na ma-survey ang lupain. Pag-aaralan natin ang resulta ng napag-usapan upang ilalapat ang pinakamahusay na hakbang upang maipatupad ang prosesong ito ng mas mabilis,” ani Ponce.

Sabi niya, magagamit sa magandang adhikain ang “nakatiwangwang” na lupain dahil makapagbibigay ito ng kabuhayan sa mga magsasaka.

Aniya, makatutulong din ito para maibsan ang kahirapan at para sa seguridad ng pagkain sa bansa.

Leave a Reply