By Christian Dee
MAYNILA – Nitong Miyerkoles, Enero 4, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipapakalat simula Enero 6 hanggang 9 ang 730 na tauhan nito para sa pagpapanatili ng mapayapang paggunita sa Pista ng Itim na Nazareno.
Ang naturang tauhan ay tutulong sa Traffic Management at Clearing Operations sa mga nasabing petsa ayon sa MMDA.
“Bilang paghahanda sa Pista ng Itim na Nazareno, ang MMDA ay magdedeploy ng 730 personnel upang tumulong sa Traffic Management at Clearing Operations mula January 6 hanggang January 9,” anang awtoridad.
Para sa crowd control, ipapakalat ang mga tauhan mula sa Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) habang sa traffic management naman ang deployment ng mga tauhan mula sa Western Traffic Enforcement.
Samantala, ang mga street sweeper mula sa Metro Parkways Clearing Group (MPCG) din ay naatasan namang panatilihin ang kalinisan at katulong nito ang Task Force Special Operations (TFSO) para klaruhin ang ruta.