By Christian Dee
MAYNILA – Inanunsyo nitong Martes, Nobyembre 1, ng pamunuan ng Miss International ang bagong plataporma na maaring gamitin ng mga tagasuporta para makaboto ng mga kandidatang nais nilang makaabante sa Top 15.
Sa kanilang Facebook post, sinabi ng organisasyon na ang “Miss International App” ay puwedeng ma-download mula sa Apple Store o Google Play.
Anila, sa kauna-unahang pagkakataon, makakapili ng aabante gamit ito at simula Nobyembre 30 ay bukas na ang online voting.
Ang tatlong kandidatang makakapasok sa Top 15, na silang may pinakamaraming boto ay magmumula sa tatlong dibisyon nito: Asia & Oceania; Europe & Africa; at the Americas.
Samantala, ang Binibining Pilipinas at ang pambato ng bansa na si Hannah Arnold ay nanghingi ng suporta sa mga tao para maiuwi ang korona.
“The power of Bayanihan,” pagbabahagi ng organisasyon sa kanilang Facebook post.
Inanyayahan din nito na i-download at iboto si Arnold sa pagbubukas ng online voting.
Nakatada namang magbalik ang nasabing international pageant sa Disyembre 13 matapos itong huminto ng dalawang taon dulot ng COVID-19 pandemic.

(Photo from Miss International/Facebook)
