By Frances Pio
––
Inihayag ng Department of Health nitong Lunes ang posibilidad na itaas ang COVID Alert System sa Level 2 sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR), sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Lunes.
Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 1 ang Metro Manila hanggang Hunyo 15.
“The possibility [of Alert Level 2] would always be there ‘pag nagtuloy-tuloy po ang mga kaso pero ang kailangan pong maintindihan ng ating mga kababayan, we are learning to live with the virus. Alam po nating hindi aalis ang virus na ito. It will stay with us,” ika niya.
“So, ito pong mga sakit na nagkakaroon ng mild at asymptomatic, it should be acceptable to the population. Ang pinaka-importante hindi pa natin nakikitang tumataas ang severe and kritikal na mga kaso at hindi pa rin po nagkakaroon ng problema sa ating mga ospital. By observing kung mayroong increase ng admissions, hindi pa ho natin nakikita ‘yan,” dagdag pa niya.
Sa 17 local government units sa NCR, 13 ang may positibong two-week growth rate ng COVID-19 cases.
Bagama’t positibo ang growth rate, ang bilang ng mga kaso ay hindi gaanong nakakaapekto o nakapipinsala sa operasyon ng mga ospital, tiniyak ni Vergeire.