By Frances Pio
––
Hinarang ang World No. 6 pole vaulter na si EJ Obiena ng mga agent ng US Department of Homeland Security sa loob ng mahigit 12 oras dahil sa hinalang pagtakas sa mga kaso sa Pilipinas pagdating sa Los Angeles mula sa Italy noong Hulyo 7.
Pumunta sa US si Obiena para sa kanyang training camp sa Chula Vista bilang paghahanda para sa World Athletics Championships sa Eugene, Oregon. Si Obiena, 26, ay sasabak sa qualification round sa Hulyo 22 at sasabak sa final sa Hulyo 24 kung papalarin.
Nagulat si Obiena nang pigilan siya ng mga awtoridad ng US Immigration. Ang naging dahilan ay ang hinalang tumakas siya mula sa kanyang mga kaso.
Nauna rito, nakatanggap ang mga opisyal ng US ng maling tip mula sa isang hindi kilalang impormante “with the intent to disrupt his entry into the US and disrupt his effort to medal.”
Ang mga opisyal ng US ay may mga kopya ng mga kuwento ng pahayagan tungkol sa mga akusasyon ng PATAFA na nilustay ni Obiena ang mga pondo at pinalsipika ang mga dokumento sa pag-liquidate ng mga advance mula sa PSC.
Kalaunan ang mga akusasyon ay binawi at si Obiena ay pinawalang sala ng COA. Mula noon, nagpalit na ng pamunuan ang PATAFA at ang bagong presidente na si Terry Capistrano ay nasa Eugene na naghihintay sa pagdating ni Obiena upang suportahan ang kanyang paghabol sa kauna-unahang medalya ng Pilipinas sa World Championships.
Habang nakaditine, kinumbinsi ni Obiena ang mga awtoridad ng US na siya ay inosente at kalaunan ay pinalaya siya at humingi ng tawad ang mga opisyal ng US Immigration.
“It was an unfortunate incident to be held in detention without fully understanding the basis. It definitely threw me off a bit. But it worked out. I’m back in training and focused on doing my best for my country,” sinabi ni Obiena, na nakatuloy na sa kanyang training camp pagkatapos ng insidente.
Ayon sa pahayag ng team ni Obiena na sila ay kumuha ng legal counsel sa US para sa imbestigasyon ng pangyayari dahil ang nasa likod nito ay nilabag ang ilang batas sa US.
Pinahayag ni Obiena na siya ngayon ay nakatutok na sa kanyang pagsasanay para sa kanyang pagsabak sa kompetisyon.