By: Frances Pio
–
Sa halip na magtayo ng expressway sa tabi ng Pasig River, sinabi ni Presidential candidate at Senator Manny Pacquiao nitong Biyernes na mas gugustuhin niyang gawing tourist destination ang pangunahing daluyan ng tubig ng Metro Manila, na inihalintulad nito sa Brisbane River sa Australia.
Sinabi ni Pacquiao na habang ang proyekto ng Pasig River Expressway (PAREx), na itinutulak ni San Miguel Corporation (SMC) President Ramon Ang, ay “kapuri-puri,” maaari itong magdulot ng hindi mabibilang na pinsala sa Pasig River.
“May plano ako dyan sa Pasig River. Napakaganda niyan na idevelop. I dredge lang yan, linisin yung tubig saka i-develop ‘yung gilid, ‘yung easement niya. Siguro talagang parang magiging lugar yan sa Brisbane na ang ganda ng ilog, maraming namamasyal. Napakaganda. Dapat i-develop lang ‘yung Pasig na hindi kailangang takpan,” ika ni Pacquiao.
Aniya, mas karapat-dapat na mamuhunan para sa paglilinis at rehabilitasyon ng Pasig River dahil sa potensyal nito bilang pangunahing atraksyon sa mga turista kaysa takpan at sirain dahil sa proyekto.
