Share:

Ibinida ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang binili nilang mahigit kumulang 40,000 capsules ng Molnupiravir, isang gamot na napatunayang mabisa kontra Covid-19. Kasalukuyan namang hinihintay ng pamahalaang pambansa ang emergency use authorization (EUA) mula sa United States Food and Drug Administration (USFDA) para sa gamot na ito.

Ang gamot na ito ay sinasabing makakabawas sa panganib ng pagkakaospital at pagkamatay ng mga pasyente ng Covid-19 ng 50%.

Ang desisyon umano ng pamahalaang lungsod ng Maynila na bumili ng gamot na Molnupiravir ay base sa impormasyon na ibinigay ni vice presidential aspirant Dr. Willie Ong.

Kamakailan lamang ay kunumbinsi ni Doc Willie ang national government na bumili ng nasabing gamot dahil ito umano’y “beneficial” at “life-saving.”

Ani Moreno, dapat maging prayoridad ng national government ang pagbili ng mga “life-saving drugs” tulad ng Remdesivir at Tocilizumab.

“So, kung ito yung mga bagay na makabubuhay sa tao, makapagdudugtong ng buhay ng tao, then I will not spend P4 billion for face shields. That’s P4 billion put to waste, wala namang science,” sinabi ni Moreno sa isang panayam.

Sa pinirmahang kontrata ng pamahalaang lungsod ng Maynila, nagkakahalagang P87.50 ang isang kapsula ng Molnupiravir, mas mura kaysa sa presyo ng Remdesivir at Tocilizumab. Ibibigay sa mga pasyenteng may mild o moderate symptoms ng Covid-19, dalawang beses sa isang araw sa loob ng limang araw sa pitong ospital sa lungsod kabilang ang Sta. Ana Hospital.

Kakailanganin muna ng mga ospital ng compassionate use special permit mula sa FDA para magamit ang nasabing gamot.

Sa kabilang dako, hinangaan naman ng iba’t ibang mga sektor ang desisyon ng pamahalaang lungsod na bumili ng gamot na Molnupiravir.

Ayon kay Dr. James Albert Flores, isang pulmonologist mula sa Sta. Ana Hospital, kailangang maging maagap ang gobyerno sa pagbili ng mga bakuna at gamot kontra Covid-19.

Aniya, isa ang Pilipinas sa mga huling nakakuha ng Covid vaccines dahil hindi ito naging maagap, ‘di tulad ng ibang mga bansa na nauna nang kumuha ng mga bakuna habang naghihintay ng EUA.

“Noong na-aprubahan na, ginagamit na nila agad,” ani Flores.

Ayon sa Department of Health (DOH), hihintayin pa rin ng gobyerno na magkaroon ng EUA mula sa US FDA ang gamot na Molnupiravir bago sila bumili nito.

Ayon naman sa mga medical experts, ang pagbabakuna kontra Covid-19 ang pinakamabisang paraan para labanan ang pandemya, kaya’t patuloy parin ang ginagawang agresibong vaccination campaing ng Manila City government.

Nitong nakaraan lamang ay sinimulan ng pamahalaang lungsod ang pagbabakuna sa mga menor de edad na nasa 12-17 yrs old.

(By: Aj Lanzaderas Avila)

Leave a Reply