By Christian Dee
MAYNILA – Ayon sa kapatid ng namayapang beteranong brodkaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa, ipinagpaliban ng pamiilya nitong Lunes, Oktubre 24 ang preliminary investigation ukol sa pagpaslang kay Lapid, matapos makatanggap ng mga nakakatakot na pagbabanta.
Samantala, ang nagpakilalang gunman sa krimen na si Joel Escorial ay nagpakita sa imbestigasyon sa Department of Justice.
Sa panig naman ng pamilya, kumatawan naman ang isang tagapagsalita.
Sabi ni Roy Mabasa, kapatid ni Lapid, “The reason why di ako nakapunta sa preliminary investigation ng DOJ kanina, because I have been receiving various death threats from Messenger, text messages.“
Ani Roy, mayroon pa itong mga natatanggap na mga mensahe at video calls. Kahit ang mga anak ni Percy aniya ay nakakatanggap di mga malisyosong text.
“Parang di na magiging normal ang buhay namin lahat hanggat di nakikita ang mastermind o salarin,” giit ng kapatid ni Lapid.
Mayroon ding natanggap ang pamilya na mga tawag na nag-aalok ng mga dapat na ebidensya sa pamamaril kapalit ang pera.
“‘Pag di mo binigay sasabihin sa iyo, ‘Baka mamatay na kayo ngayong araw na ito,’” ani Roy Mabasa.
