Share:

By Frances Pio

––

Isang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ang sumasailalim sa ikalawang pagbasa sa Senado nitong Miyerkules.

Layunin ng Senate Bill No. 1306 na ipagpaliban ang barangay at SK elections, na nakatakda sa Disyembre 5, 2022, hanggang Disyembre 2023.

Ang panukala ay itinulak ni Senator Imee Marcos, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation.

Sa plenary session, hinimok ni Senator Risa Hontiveros na ipagpaliban ang barangay at SK elections sa mas maagang petsa o sa Mayo 2023.

Binanggit niya na ang pagdaraos ng botohan sa Mayo 2023 ay nasa loob ng pitong buwang paghahanda na kailangan ng Commission on Elections (Comelec) at mangangailangan ng mas kaunting pondo, bukod sa iba pa.

Ang Comelec ay may P8.5-bilyong badyet para sa botohan sa Disyembre 5, 2022.

Sakaling ipagpaliban ang halalan sa Mayo 2023, hindi bababa sa P17 bilyon ang kakailanganin, habang P18 bilyon naman kung sa Disyembre 2023, naunang sinabi ng poll body.

Sasakupin ng karagdagang gastos ang mga karagdagang presinto ng botohan, mga supply, at mas mataas na honoraria para sa mga guro na magsisilbing mga miyembro ng electoral board.

“I move — by way of amendment — that the date of election be fixed instead of in December 2023… to hold the election in May 2023,” ani Hontiveros.

“At this juncture, the committee is unable to accept your amendment, and we stay with the date of December 2023,” ika ni Marcos.

Ang Senate minority bloc, na binubuo nina Senador Aquilino “Koko” Pimentel at Hontiveros, ay nagpahayag ng kanilang pagtutol sa pagpapaliban.

Nauna rito, naghain ng magkahiwalay na panukala sina Senator Jinggoy Estrada at Francis Escudero na nagpapaliban sa barangay at SK polls.

Leave a Reply