By Christian Dee
MAYNILA – Nasa mahigit 1 milyon na ang bilang ng mga pabahay sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Project, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkoles.
Ani Marcos sa isang panayam nang tanungin tungkol sa kasalukuyang bilang ng mga pabahay, sa kabuuan ay nasa 1.2 milyon na ang mga naumpisahan na magmula noong siya ay umupo bilang pangulo ng bansa.
“Well, ang naumpisahan na, lahat-lahat, I think na na-groundbreak is about 1.3, 1.2 million na nasimulan na,” tugon ni Marcos.
Nitong Miyerkoles din ay nagtungo ang pangulo, katuwang ang Departmenr of Human Settlements and Urban Development, sa Bulacan upang pangunahan “mega groundbreaking” ng 4PH Project.
Kasama sa mga naturang proyektong pabahay sa Bulacan ay ang mga sumusunod:
- Rising City Residential Project sa Barangay Gaya-Gaya, San Jose del Monte City
- San Rafael Heights Development Project sa Barangay Caingin, San Rafael
- Mom’s Ville Homeowners Association Incorporated Project sa Barangay Penabatan, Pulilan
Ang tatlo pang kasabay na groundbreaking ceremonies na ginanap ngayong araw sa Bulacan ay sa Guiguinto, Malolos City, at Pandi.
