By Christian Dee
MAYNILA – Kinukuwestiyon ni Senator Grace Poe ang ‘vehicle replacement’ ng mga tradisyunal na dyip bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Sa isang pagdinig, itinanong ni Poe, Chairperson ng Senate Committee on Public Services, ang rason sa pagpilit na palitan ang mga tradisyunal na dyip.
“Bakit pinipilit ang vehicle replacement kung hilaw pa ang ibang parte ng programa? Nasaan ang komprehensibong plano para sa Route Rationalization?” tanong ng Senador.
“LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board), nagbibigay kayo ng deadline sa mga driver na mag-modernize ng kanilang jeep pero yung Route Rationalization ninyo, hindi pa tapos?” dagdag ni Poe.
Ipinunto rin ni Senator Risa Hontiveros ang isyu sa politika kaugnay ang mga lokal na pamahalaan, na sinang-ayunan naman ni Department of Transportation Undersecretary Mark Steven Pastor.
Para kay Poe, dapat ay ayusin muna ng DOTr ang koordinasyon nito sa mga lokal na pamahalaan bago magbigay ng deadline.
“Thank you, at least you’re making an effort, in-extend ninyo. Pampa-pogi lang ‘yun eh,” ani Poe.
“Hindi pa talaga kayo ready by December. You haven’t even complied by more than 10 percent,” dagdag pa niya.
8.8 porsyento lamang ang na-comply ng ahensya kaugnay ang ruta na bahagi ng PUV Modernization Program.
Matatandaang inanunsyo kamakailan ng LTFRB ang pagpapalawig sa itinakdang deadline para makiisa ang mga tsuper at operator ng mga tradisyunal na dyip sa kooperatiba.
Paliwanag naman ni Pastor, sa direktibang inilabas nito ukol sa deadline ay saklaw lamang ang “consolidation” at hindi ang kabuuang pag-phaseout ng tradisyunal na dyip.
Ngunit iginiit Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva na kaugnay ang Certificate of Public Convenience of Operators, mawawalan ng trabaho ang mga apektadong tsuper at operator sakaling mabigo ang mga ito “to consolidate” sa itinakdang deadline.
