BY: Jen Lopez
Hindi lalampas ng isang linggo simula noong magsalita ang presidential candidate ng bansa na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr at ng kanyang running mate, Sara Duterte tungkol sa pagsuspinde ng excise tax sa pag-import ng gasolina. Ngunit nitong Sabado lamang, ika-12 ng Marso nitong taon, binawi ng presidential candidate ang kanyang pahayag. Ani niya, malaki ang mawawalang pera ng gobyerno kung sususpindihin and excise tax sa bansa.
Sa isang pagtitipon kasama ang mga community leaders ng Paranaque,nagbigay ng pahayag ang presidential candidate Marcos JR.,
“Merong mga nagsasabi ‘wag na daw magbayad muna ng excise tax. Ang problema, ‘pag gano’n ang ating ginawa, ‘pag ‘di na magbayad ng excise tax, mawawalan ang gobyerno ng P117 billion bawat taon,”
Sa pagsalungat ngayon sa suspensyon ng excise tax, binanggit ni Marcos Jr ang P117 bilyon na kita na maaaring mawawala sa bansa mula sa datos ng Department of Budget and Management.
Kaugnay rin dito ang nais isulong ng dating Senator Marcos Jr upang maaksyunan ang pagbabalik ng Marcos-era OSPF. Sa ilalim ng programang ito, ang mga kumpanya ng langis ay dapat mag tabi ng bahagi ng kanilang mga benta bilang “buffer fund.” Ngunit ang OSPF ay hindi ganap na matagumpay at naging sanhi lamang sa karagdagang utang ng bansa.
Dagdag pa rito, ang panukalang suspindihin ang excise tax ay maaring magresulta ng aabot sa P48 bilyon na foregone revenues habang ang panukalang subsidies na gagastusin ng gobyerno ay tinatayang P6.1 bilyon.
Sa kabila nito, hindi nakapagbigay ng linaw ang dating Senator Marcos kung ano pa ang ibang mga kadahilanan para tumaliwas siya sa kanyang unang pahayag.
Hindi rin nagbigay ng pagkakataon ang kanyang mga kasamahan sa kanyang kampanya na makapanayam ang presidential aspirant sa mga mamahayag matapos magbigay ng kanyang talumpati sa Parañaque noong Sabado.
