Ipinagdarasal ng provincial government ng Antique sa pangunguna ni Governor Rhodora Cadiao ang pagkapanalo ni presidential aspirant Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa darating na Halalan 2022.
Sa isang courtesy call sa opisina ni Gov. Cadiao sa kapitolyo ng probinsya noong Martes, tinawag pa umano ng gobernadora si Moreno na “Mr. President” nang dumating ito sa probinsya.
“Welcome to the province of Antique, your hometown,” sinabi ni Cadiao kay Moreno kaharap ang iba pang opisyal ng probinsya.
“Mr. President, we are so proud of you,” dagdag pa niya.
Nasurpresa naman si Moreno sa bungad ng gobernadora at pabirong sinabing, “Mag-dilang anghel ka sana, Gov.”
Nanawagan din si Cadiao sa kanyang mga nasasakupan na suportahan si Moreno sa kanyang pagtakbo bilang presidente ng bansa.
“We are so proud of you (Moreno) and I hope you will be the next… after how many centuries? The next president of Western Visayas,” saad ni Cadiao.
“So, Yorme is an Antiquenion, is by blood an Antiquenion, he’s ours. He’s asking for your support and let us pray for his success, okay,” dagdag pa niya.
Nagbigay naman ng regalo ang kapatid ni House Deputy Speaker at Antique REp. Loren Legarda na si Antonio Agapito Legarda Jr., kay Moreno na matapos ay nakipagsalosalo naman sa tanghalian kasama ang gobernadora.
“This is the one from Inday Loren. Sabi niya, alagaan kayo dito sa Antique dahil kayo ay kasimanwa (kababayan). We are looking forward to seeing you and now it’s a reality,” ani AA Legarda.
Matapos nito’y nagdaos ng isang town hall meeting si Moreno kasama ang mga market vendors, traders, at businessmen sa San Jose, Antique.
Kasama ng alkalde ang kanyang Aksyon Demokratiko team kabilang ang kanyang running mate na si Dr. Willie Ong, at mga senatorial bets na sina Samira Gitoc, Dr. Carl Balita, at Jopet Sison.
Tubong San Joaquin ang ama ni Mayor Isko, nagtungo sa Hamtic, Antique at kinalauna’y lumuwas sa Maynila upang makipagsapalaran noong 1960.
Sa isang pakipanayam sa mga reporters, ipinangako ni Moreno na pagtutuunan niya ng pansin ang mga pangunahing pangangailangan ng mga taga Western Visayas, sa pamamagitan ng mga proyektong makakapagsaayos ng human development index – pangkalusugan, edukasyon, pabahay, trabaho at pangkabuhayan.
Ayon din sa alkalde, susuportahan din ng administrasyong Moreno ang pampublikong edukasyon sa Western Visayas sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng tablets at bandwidth, school supplies, at Covid hygiene kits sa mga estudyante. Gayundin ang pamimigay ng mga laptop at bandwidth connection sa mga guro.
Upang pagaangin ang buhay ng mga Pilipino kasabay ng pagprotekta sa iba’t-ibang industriya, itutulak ni Moreno ang pagpapatupad sa batas na magpapababa sa buwis ng mga produktong petrolyo at kuryente nang 50%.
“We can think of what we want to think for the betterment of our country. But for the first two years of that six years given a chance puro social services,” pagdiin ni Moreno.
(By: Aj Lanzaderas Avila)
