By Jude Sagun
MANILA, Philippines — Opisyal nang ipinakilala ng Miss Grand International Organization sa kanilang social media sites si Roberta Tamondong bilang bagong kukumpleto sa Miss Grand International 5 Runners up.
Si Tamondong ang kumatawan sa Pilipinas sa Miss Grand International 2022 pageant nitong Oktubre 25, ngunit bigong makapasok sa top 10.
Sina Miss Mauritius, Miss Puerto Rico, Miss Spain, Miss Colombia, at Miss Cambodia ang mga hinirang na 5th Runners-up noong coronation night, ngunit ayon sa pamunuan ng MGI, tumanggi umano na pumirma ng kontrata si Miss Mauritius na si Yuva Gookool.
Sa Instagram ni Gookol, sinabi nitong binigyan siya ng kontrata ng MGI kung saan sinasabi nito na napagdesisyunan niyang mag-resign sa kanyang titulo dahil hindi niya magagawang pumirma sa kontrata at gampanan ang tungkulin ng titulo. Ngunit paglilinaw niya, hindi niya ito pinirmahan at personal siyang nag-resign dahil hindi umano ito pabor sa mga inaasal ng Miss Grand International sa mga local franchise ng organisasyon.
Samantala, ipinost naman ni Tamondong ang anunsyong ito ng Miss Grand International sa kaniyang Instagram, at may caption na “It’s Official!” Nangangahulugan na tinatanggap niya ang appointment na ito.