By Christian Dee
MAYNILA – Aksidenteng nabaril ng isang security guard ang labing anim na taong gulang na lalaki habang nagbibiruan sa Tagaytay, Cavite.
Sabi ng binatilyo, lasing ang guwardiyang si Leo Saratan nang nilapitan ito at kinuha ang baril.
Kuwento ng medor de edad. “Tapos po nilapitan niya po ako, kinuha niya ‘yung baril. Sabi niya sa akin, papatayin niya ako tapos binaril niya ako. Pabiro po, pinagtitripan niya ako.”
“Sabi niya, ‘Oh, ano-ano ginagawa mo diyan.’ ‘Hindi, gusto mo barilin kita.’ Pagkatutok ko nang ganon, ayun naputok. ‘Sorry, sorry. Hindi ko sinasadya,” sabi ni Saratan.
Inoperahan naman ang biktima at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Hindi rin itinanggi ni Saratan na matapos niyang makita ang tiyuhin ng biktima na may dalang itak, nataranta at tumakas ang suspek.
Giit ng ama ng bata na si Wilmer Cruzat, pagbabayaran ng suspek ang ginawa nito sa kaniyang anak na walang kalaban-laban.
Humingi ng tawad ang suspek sa pamilya ng biktima at lubusan itong nagsisisi.
Desidido naman ang pamilya ng biktima na maghain ng kasong frustrated murder laban sa suspek.
