Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Napaluha at dinepensahan ni Star for All Seasons Vilma Santos ang kanyang anak at TV personality na si Luis Manzano laban sa mga iniuugnay na alegasyon.

Sa isang panayam na inilabas kahapon, Pebrero 14, kasama si Boy Abunda, sinabi ng beteranang aktres na kilala niya ang kanyang anak.

“And the only thing I can say is I know my son. Ang anak ko ay tumutulong, hindi nanloloko. Kaya ‘yung mga nagsasalita at naghuhusga sa kanya, dahan-dahan lang kayo,” ani Santos.

“Walang ibang nakakakilala sa anak ko kung hindi ako. And I know he is such a good person,” dagdag pa niya.

Panalangin ng aktres ang gabay para sa kanyang mga anak.

“At this point it’s just asking for guidance, not even for myself but for my children. Ako na lang, huwag lang ang anak ko, ako na lang.”

Ayos lang naman aniya siya ngunit hindi madali ang kasalukuyang nararanasan kaya hiling din ni Santos ang panalangin mula sa mga malalapit niyang kaibigan.

“At this point in time to all my friends and sa lahat ng mga kaibigan ko just prayers because I know my son, lalagpas din ito because I know him. I know my son,” aniya.

Mayroon ding ipinahayag na mensahe ang aktres para sa kanyang anak.

“You will be fine, anak. Maraming nagmamahal sa iyo and the truth will prevail. Alam ng mga tao ‘yan. Tumutulong ka, anak, hindi ka nanloloko and I love you. I love you, Lucky,” wika ni Santos.

Matatandaang naglabas ng subpoena para kay Manzano matapos madawit ang aktor sa diumanong investment scam kaugnay ang Flex Fuel Corporation, ang kumpanya kung saan ay dati siyang chairman of the board at dating co-owner.

Noong Lunes, Pebrero 13, naiulat na hindi dumating sa National Bureau of Investigation ang kampo ni Manzano para sa pagdinig sa imbestigasyon laban sa naturang kumpanya.

Hiniling ng panig ni Manzano ang labinlimang araw na extension noong Lunes sa pamamagitan ng liham na dinala ng messenger ng law firm na kumakatawan sa kanya para mabigyan ng panahon ang pagsusuri ng ebidensya ng kanyang kampo tungkol sa reklamo.

Leave a Reply