By Christian Dee
MAYNILA – Ipagpapatuloy ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagrerehistro para sa mga nais maging botante mula Disyembre 9, 2022 hanggang Enero 31, 2023.
Ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si Rex Laudiangco, ang mga kwalipikadong mamamayan ay maaring magsumite ng mga dokumento at maipakuha ang biometrics data nito sa Office of Election Officer o sa kahit saang registration site na sakop ang kanilang tirahan, para sa local voter registration.
Ilan sa mga kailangan ng mga magrerehistro ay ang punan ang form, magpakita at magsumite ng katunayan ng pagkakakilanlan, na pinahihintulutan ng komisyon o naaangkop na affidavit of identification na sinumpaan sa ilalim ng batas.
Ipinabatid din ng komisyon na maari pa rin nitong i-extend ang pagrerehistro.
“Please note that the Commission, in its inherent power to extend the period for registration beyond January 31, 2023, ultimately intends to implement the RAP nationwide based on the lessons to be learned and challenges to be faced and hurdled in the NCR Pilot Testing,” ani Laudiangco.
Matatandaan ding inanunsyo ng Comelec na magsasagawa ito ng pilot test ng Register Anywhere Project sa mga piling mall sa National Capital Region (NCR).
