By Christian Dee
MAYNILA – Nitong Martes, Pebrero 14, hinimok ni Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte ang mga bagong kasal at mga magiging magulang na isagawa ang pagpaplano ng pamilya.
Bukod dito, sinabi rin ni Duterte na magsanay din sa pagiging responsableng magulad para sa kapakanan ng kanilang mga anak.
Sa kanyang Valentine’s Day message sa isang kasalang bayan na itinaguyod ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Parañaque, idiniin ng ikalawang pangulo na maraming pamilya ang nalugmok sa kahirapan dahil sa mahinang family planning.
“Napakarami ng kanilang anak na hindi na nila kayang pakainin nang maayos, at hindi na nila kayang pag-aralin. Kaya nagbabalik-balik ‘yung kahirapan doon sa kanilang pamilya,” ani Duterte.
“Paalala lagi sa mga magulang na kailangan pagplanuhan natin ang ating pag-anak dahil… mahihirapan ang pamilya ninyo at kawawa ang mga anak ninyo kapag hindi ninyo sila mapalaki ng maayos, hindi ninyo mabibigay ang gusto nila, at hindi ninyo sila mapagtapos ng pag-aaral,” dagdag pa niya.
Idiniin din niya na dapat napag-uusapan ng mga magkasintahan kung ilang anak ang kakayanin nilang mapag-aral.
Sakali namang umabot na sa bilang ng anak na kanilang inaasahan, abiso ni Duterte na lumapit sa mga city health offices para magpakonsulta sa mga opsyon sa pagpipigil sa pagbubuntis para sa kanilang family planning.
